Sunday, September 6, 2020

“Wika ng Kasaysayan, Kasaysayan ng Wika. Ang mga Katutubong Wika sa Maka-Filipinong Bayanihan Kontra Pandemya.”

Ang Buwan ng Wikang Pambansa ay ipinagdiriwang tuwing Agosto taon-taon bilang paggunita at pagkilala sa kahalagahan ng Pambansang Wika nating mga Filipino. Ngayon taon, bagama't nahaharap tayo sa pandemya ay hindi ito naging hadlang upang hindi natin ipagdiwang itong ating Buwan ng Wikang Pambansa. Kaya naman, ang tema sa taong ito ay may kinalaman sa pagsubok na ating kinakaharap- “Wika ng Kasaysayan, Kasaysayan ng Wika. Ang mga Katutubong Wika sa Maka-Filipinong Bayanihan Kontra Pandemya.” Subalit saan nga ba nakasentro ang temang ito? Ano ang layunin nito?

Ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), nakasentro ang tema ng Buwan ng Wika 2020 sa halaga ng Filipino at mga katutubong wika sa bansa bilang mabisang sandata sa pakikidigma laban sa pandemya. Layunin nitong himukin ang bayanihan ng sambayanan upang masugpo ang patuloy na paglaganap ng COVID-19 sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga impormasyon o pabatid-publiko na nasa Filipino at mga katutubong wika. Pagbabantayog ito sa kahalagahan ng mandato ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na itaguyod ang pagpapalaganap ng Filipino at mga katutubong wika sa bansa bilang pinakamabisang midyum sa pagkakaroon ng kolektibong pag-uunawaan ng sambayanan. Ngunit ano nga ba ang ibig nitong ipahiwatig? Paano ito maisasakatuparan?

Ang wika ang nagbibigkis sa tao at ito ang nagsisilbing tulay sa pagkakaunawaan at pagkakaisa o pagbabayanihan. Kaya naman, sa hamon na kinakaharap natin ngayon, ang wika ang isa sa may pinakamalaking gampanin o kontribusyon. Ang wika ang siyang nagsisilbing behikulo o instrumento sa paghahatid ng kamalayan at pagpapaabot sa mga mamamayan ng mga mahahalagang impormasyon hinggil sa mga paraan upang maiwasan at masugpo ang malawakang pagkalat ng virus.

(Larawan mula sa)

          (Larawan mula sa)

Bukod sa pagdiskubre ng bakuna, ang kaalaman at kamalayan sa tamang impormasyon ukol sa virus at ang mga dapat at hindi dapat gawin ang magsisilbing sandata upang pandemya’y mapigilan o malabanan. Makakamit ito sa pamamagitan ng ating wika, ang nagsisilbing tulay upang maipaabot at maipalaganap ang mga impormasyong nararapat na malaman o matanggap ng sangkatauhan. Subalit anumang impormasyon o anunsiyo sa anyo ng infographic na naglalaman ng mga tagubiling pangkalusugan gaya ng regular na paghuhugas ng kamay, pagkain ng masusustansyang pagkain, pag-inom ng bitamina, pagpapanatili ng kalinisan, pagsusuot ng face mask at face shield, pag-iwas sa matataong lugar, pagkakaroon ng social distancing, ang mga tanong at sagot ukol sa COVID-19, at anumang impormasyong kinakailangan sa panahon ngayon ay hindi magkakaroon ng saysay kung hindi ito ganap na nauunawaan ng publiko. Dahil dito, ang paggamit ng wikang Filipino at mga katutubong wika ang pinakamabisang daan sa pagdaloy ng epektibong impormasyon na mauunawaan ng lahat.

(Larawan mula sa)

Ang pandemyang ito ay nararanasan at patuloy na kumakalat sa lahat ng bahagi ng ating bansa. Dahil dito, kailangan natin ang maka-Filipinong bayanihan o pagtutulungan tungo sa epektibong komunikasyon para sa pagkakaunawaan. Ang bayanihan ay hindi lamang umiikot o tumutukoy sa pagtulong sa mga nangangailangan at pagpapakain sa mga nagugutom na sikmura. Isa sa pinakamahalagang bayanihan na dapat pairalin sa panahong ito ay ang bayanihang magamit ang nararapat na wika sa pag-unawa, pagsasagawa, at pagpapalaganap o pagbabahagi ng mga kaalaman o impormasyong kailangan ng lahat.

Sa pamamagitan ng bayanihan at pagkakaunawaan gamit ang ating wikang Filipino at mga katutubong wika, magagawa nating makatulong sa pagtugon sa kasalukuyang pandemya. Ang pagdadamayan, pagkakaisa, at pagbabayanihan ay kailangan upang paglaganap ng virus ay mawakasan. Ang tama at mahahalagang kaalaman o impormasyon ay nararapat na ipaabot at ipalaganap sa lahat ng mga Pilipino o mamamayan, sa anumang antas o estado ng pamumuhay at edukasyon, at saan mang panig ng bansa. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng paggamit ng wikang nauunawaan ng lahat. Kaya naman, nararapat na gamitin hindi lamang ang wikang Filipino bagkus pati ang mga wikang katutubo sa bansa sapagkat alam naman nating hindi lahat ng mga Pilipino o mamamayan ay maalam, nakauunawa, at bihasa sa wikang banyaga at wikang Filipino na kadalasang ginagamit sa iba’t ibang medya upang mga impormasyo'y ipalaganap. Mas magiging epektibo at kapakipakinabang ang mga impormasyong nababasa at naririnig ng tao kung ito ay nasa wikang kanilang kinagisnan at nakasanayan.


(Larawan mula sa)

Sa pamamagitan ng pagsasalin ng mga ideya at impormasyon sa Filipino at mga katutubong wika na naaayon sa wika ng pamayanan, ang mga gabay, paalala, babala, tagubilin, at panuntunan para sa kaligtasan at kalusugan ay lubos na mauunawaan at maisasagawa o maisasabuhay ng mga mamamayan. Ayon nga sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), ang pagsandig sa wikang sinasalita ng isang pamayanan ay higit na epektibo hindi lamang sa paghahatid ng impormasyon sa bawat mamamayan nito kundi sa pag-aalis ng takot o stigma dahil nagagawang pag-usapan ang pandemya sa mga wikang komportable ang mamamayan. Ang Wikang Pambansa at mga wikang katutubo ang mga wikang tumatagos sa sentido kumon at sensibilidad ng taumbayan. Gayunman, sapat nga bang naihahatid at nauunawaan lamang ng publiko ang mga impormasyon?

    Ang mga impormasyong naihahatid sa mga mamamayan ay hindi magiging sapat kahit pa ang mga ito’y kanilang nauunawaan kung hindi naman nila ito isinasagawa o isinasabuhay. Marahil ito ang isa sa mga dahilan kung bakit hanggang ngayo’y dumarami pa rin ang kaso ng COVID-19 sa bansa sa halip na bumaba. Maraming mga Pilipino ang sadyang matitigas ang ulo at hindi sumusunod sa mga patakaran, protokol, at impormasyong naipapaabot sa kanila.

                    (Larawan mula sa)

Bilang mga mamamayan, nararapat lamang na ang mga mahahalagang impormasyong naihahatid sa atin ay hindi lamang basta tanggapin bagkus ang mga ito'y dapat na isaisip, isapuso, at isagawa upang pandemya’y mapuksa. Disiplina at pagiging masunurin ay ating paigtingin. Pahalagahan ang mga pagsisikap, sakripisyo at mga bagay na ginagawa ng ating gobyerno, ng mga frontliners, at iba pang mga tao para sa ating kaligtasan at ikabubuti. Lagi nating tandaan na kung hindi tayo magdadamayan, magkakaisa, at magpapakita ng Maka-Filipinong Bayanihan, mahihirapan tayong umahon at sugpuin itong pandemyang kinakaharap.


Isinulat ni: Amerah O. Owaida

2 comments:

“Wika ng Kasaysayan, Kasaysayan ng Wika. Ang mga Katutubong Wika sa Maka-Filipinong Bayanihan Kontra Pandemya.”

Ang Buwan ng Wikang Pambansa ay ipinagdiriwang tuwing Agosto taon-taon bilang paggunita at pagkilala sa kahalagahan ng Pambansang Wika natin...